Mga kabaleyan, mula pa sa unang araw ng aking ikalawang termino, alam ko na kung saan tayo patutungo — sa direksyong hindi na pinipigilan ng galit, hindi na ginagapos ng inggit, at hindi na sinasakal ng pulitika.
Noong araw na iyon, pinalaya ninyo kami upang tuparin ang mga pangarap na matagal nang ipinagkait sa mga pamilyang Dagupeño.
Kayo ang pumili ng mga pinunong may malasakit, may dangal, at may tapang — isang bagong pamilyang handang ipaglaban ang bawat tahanan sa Dagupan.
At ngayon, buong puso kong ipinagmamalaki na makatrabaho ang isang marangal, masipag, at tapat na pamilya ng mga lingkod-bayan — sina
Vice Mayor Dean Bryan L. Kua
Councilor Michael B. Fernandez
Councilor Jose Netu M. Tamayo
Councilor Karlos Liberato E. Reyna IV
Councilor Jeslito C. Seen
Councilor Christel Hilary U. Paras
Councilor Danielle Francine B. Canto
Councilor Luis M. Samson, Jr.Councilor Marvin DV. Fabia
Councilor Jalice D. Cayabyab
Councilor. Marcelino DS. Fernandez
Councilor Bradley Claude C. Benavides
sila ang maaasahang Konsehal ng Bagong Dagupan — mga pinunong hindi lang naglilingkod, kundi nagmamahal.
Ngayon, sabay nating patutunayan — na kapag ang pamahalaan ay pamilya, ang bawat tahanan ay nagiging matatag, at ang buong Dagupan ay umaangat.
Ang posisyon sa gobyerno ay hindi gantimpala kundi isang mabigat na pananagutan.
Kami po ay naririto upang maglingkod nang tapat at buong puso, dahil ang pamumuno ay hindi sinusukat sa haba ng panunungkulan kundi sa mga makabuluhang pagbabagong ginagawa para sa bayan at sa bawat pamilya.
Madali lang po ang mamuno kung sarili lamang ang iniintindi. Ngunit kapag iniisip mo ang pamilyang nagigising nang walang makain, ang mga kabataang walang trabaho, at ang mga magulang na nangangamba tuwing umuulan, doon mo mararamdaman ang bigat ng responsibilidad. Ngunit dito rin nagmumula ang saysay ng paglilingkod, ang malasakit na kumikilos, nagsasakripisyo, at nagbibigay pag-asa.
Mahal ko ang Dagupan gaya ng sarili kong pamilya. Kaya’t handa akong magsakripisyo upang madama ng bawat Dagupeño ang ginhawa, seguridad, at pag-asa. Hindi naging madali ang ating pinagdaanan sa nakaraang tatlong taon, hindi lamang dahil sa unos at baha kundi dahil din sa mga sagabal sa progreso (as shown in the video).
Ngunit dahil sa inyong suporta at panalangin, dumating ang bagong umaga para sa Dagupan. A NEW DAY HAS BEGUN.
Ngayon, kasama ang New Majority sa Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Super Vice Mayor Bryan Dean Kua, buong puso naming inihahandog sa inyo ang bunga ng ating unang sandaang araw, isang ulat na hindi gawa ng iisang tao kundi ng pagkakaisa at pagmamahalan ng ating komunidad.
Ito ang kwento ng Dagupan: lungsod na bumabangon, lumalampas sa unos, at nagtatagumpay dahil sa lakas ng bawat pamilya.
Sapagkat dito sa Dagupan, pamilya ang puso ng progreso.
1: “PAMILYA SA TAHANAN” (Home, Safety, Environment)
Sa puso ng ating programang “PAMILYA SA TAHANAN,” malinaw ang mensahe: hindi magiging matatag ang isang pamilya kung ang kanyang tahanan ay hindi ligtas.
Mga kabaleyan, ang isa sa pinakamalaking laban ng Dagupan ay laban sa baha. Kaya’t bawat hakbang na ginagawa natin ay nakatuon sa pagprotekta sa tahanan at pamilya.
Sa tulong ng ating City Engineering Office at ng DPWH, nakapag-dredge na tayo ng mahigit 90,716 cubic meters ng ilog at mga daluyan ng tubig.
Patuloy ding isinasagawa ng DPWH Regional Office ang dredging activities gamit ang limang heavy-duty machines na kasalukuyang nagdi-dredge mula Pantal hanggang Pugaro at sa Patogkawen River.
Ang mga flood mitigation activities na ito ay kasabay din ng pagpapataas ng mga pangunahing kalsada tulad ng Arellano Street, na makakabawas ng baha sa mga komunidad sa Tambac, Arellano, at Dior Village.
Bukod sa tuloy-tuloy na dredging activities, ay regular din ang operasyon ng ating Vactron Machine upang malinisan ang mga baradong kanal, at masigurong maayos ang daloy ng tubig.
Tayo rin po, kasama si City Engr. Josephine Corpuz, ay nakipagpulong kay DPWH Regional Director Ronnel Tan, upang talakayin ang komprehensibong solusyon sa pagbaha ng Dagupan, kabilang ang rehabilitasyon ng mga dike, pagtatayo ng pumping stations, at mga proposed flood-control projects na inaasahang masimulan ngayong 2026; ang mga ito ay mga sumusunod:
RIVER PROTECTION DIKES SA MAYOMBO – HERRERO CREEK, ARELLANO CREEK, CAREENAN CREEK, POGO GRANDE – MALUED CREEK AT PATUGKAWEN RIVER.
Dagdag pa rito, mayroon tayong 14 na bagong kalsada na may epektibong drainage systems.
Ang bawat proyektong ito ay hindi lang konkreto o bakal; ito ay sagot sa panawagan ng ating mamamayan para sa kapanatagan sa tuwing may high tide o may kalamidad.
Ngunit hindi lang baha ang kalaban ng tahanan – ang basura ay panganib din sa kalusugan, kalikasan, at kinabukasan. Kaya’t isinara na natin ang 60-year-old dumpsite, isang malalim na sugat ng ating bayan na halos isang taon nang tuluyang natigil.
Sa loob lamang ng 100 days, mayroon na tayong 19,600 TONELADA NG BASURA ang nawala sa dumpsite, gamit ang 1 brand new payloader, 1 brand new backhoe, 7 dump trucks.
Mayroon din po tayong Plastic Shredder na gumagawa ng raw materials, Glass Pulverizer na lumilikha ng buhangin para sa construction, at Bailing Machines para sa mas organisadong recycling. Nakikipag-ugnayan din tayo sa Holcim Philippines upang gawing sementong pundasyon ng kinabukasan ang plastik na dati ay nakakasira ng kapaligiran.
Epektibo ring numero uno ang SEGREGASYON SA BARANGAY bilang bahagi ng bawat kumunidad sa ating laban kontra basura, at dahil gusto nating lahat na gawing malinis ang ating siyudad.
Dahil sa mga hakbang na ito, nagbunga na rin ang ating programang “DUMPSITE TO FUN SITE”, dahil sa kasalukuyan ay mayroon na tayong naitanim na tatlong-libong (3,000) puno tulad ng niyog at acasia.
Makikita rin dito ang mga magagandang pagbabago sa ating Tondaligan Ferdinand Beach ang One Bonuan Pavillon, Skate Park, at dito rin natin itatayo ang bagong Senior Citizens Center at MacArthur Museum.
- “PAMILYA SA KALUSUGAN AT KALIGTASAN” (Health, Safety, Resilience)
Mga kabaleyan, alam po natin na walang saysay ang progreso kung hindi ligtas at malusog ang bawat pamilyang Dagupeño.
Sa tulong ng ating City Health Office, nakapagbigay na tayo ng mahigit 185,000 health services sa ating mga kababayan, mula sa medical at dental missions, home visits, hanggang sa libreng laboratory at diagnostic services.
Sa ilalim ng programang Alagang Healthy Dagupeño, umabot na sa 1,904 senior citizens ang natulungan. Sa Purok Kalusugan, mahigit 17,334 residente ang naging malusog, at sa ating Home Visits, nakapagsilbi tayo sa 2,118 pamilya.
Hindi rin natin kinalimutan ang mga pangunahing pangangailangan tulad sa UBO Patrol, may 3,563 Dagupeño ang natulungan; sa Diabetes Summit, may 2,579 beneficiaries; at sa Project Linaw Mata, may 145 kababayan tayong muling nagkaroon ng malinaw na paningin.
Dagdag pa rito, may mahigit 23,000 katao ang natulungan ng ating pharmacy services, at sa ating E-Consulta naman ay mayroon na po tayong nairehistrong 26,189 or equivalent to P18,584,740, kumpara sa nakaraan na 3 million lamang. This is a huge difference and improvement of our health services.
Ang lahat ng ito ay nagpapatunay na ang kalusugan ay tunay na prayoridad.
Sa ating DIAGNOSTIC CENTER naman ay nakapagtala tayo ng 2,122 total services sa pamamagitan ng ating mga makabagong medical equipment tulad ng mammogram, ultrasound, Electrocardiogram.
Nariyan din ang ating Super Family Health Center na nakapaglingkod na sa 17,489 Dagupeños, at ang satellite office sa Bonuan na nakapagsilbi ng mahigit 10,609 pasyente. Ito ang modelo ng ating pangarap: health services na abot at ramdam sa bawat sulok ng lungsod.
Sa nutrisyon, ipinatupad natin ang Unaen Su Mairap Bilay kung saan 106 na batang malnourished ang natulungan, at 100 sa kanila ang bumalik sa normal nutritional status. Mayroon ding 1,750 bata ang nabigyan ng masustansiyang pagkain sa Goodbye Gutom. Sa panahon ng kalamidad, hindi rin natin nakalimutan ang nutrisyon: 729 displaced individuals ang natulungan, at 539 buntis na kababaihan ang nakatanggap ng food supplies.
Subalit hindi lang po tao ang may libreng serbisyong pangkalusugan, kundi pati mga alagang hayop natin ay ating pinapangalagaan.
Kaya’t umaarangkada rin ang serbisyo ng City Veterinary Office, at base sa kanilang talaan, may mahigit 1,900 aso at pusa ang nabakunahan laban sa rabies, at higit 1,200 kaso ang nailigtas, kaya’t umabot sa 3,169 ang naisalbang hayop sa sa ilalim ng ating Saving Max.
Mga kabaleyan, kasinghalaga ng kalusugan ang kaligtasan, sapagkat walang saysay ang isa kung wala ang kabila. Kaya’t sa ating City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), pinalakas natin ang disaster prevention, mitigation, at response.
Nagsagawa tayo ng clean-up drives sa mga tulay at daluyan ng tubig, nagdaos ng disaster preparedness lectures, at nagsagawa ng rescue at evacuation operations. Mayroon din tayong libreng sakay sa oras ng pangangailangan upang agad na makaresponde sa ating mga kababayan.
Kasama rin dito ang ating Public Alert and Response Monitoring Center (PARMC) na 24/7 ang operasyon. Ito ang nagsisilbing command center at event watcher para tiyakin na bawat banta ay natutugunan agad.
Mga gamit ng PARMC at ating early warning systems:
- 5 Tsunami Early Warning Systems (TEWS) na naka-install sa Lucao, Malimgas Market, Bonuan Gueset, Bonuan Binloc, at Pugaro.
Inihahanda na rin natin ngayon ang pagbili ng TEWS para sa Barangays Lomboy, Salapingao, Bonuan Boquig, at Bonuan Gueset Tondaligan.
- Intensity Meter at Strong Motion Accelerograph Station para sa real-time earthquake monitoring.
- Weather Monitoring Portals, kasama ang River Water Level at Tide Forecast upang mabilis tayong makapaghanda sa posibleng pagbaha.
- REDAS Software, isang makabagong early warning at earthquake simulation system.
At bilang dagdag na proteksyon, tayo’y mapalad dahil mayroon tayong kasunduan sa pribadong sektor na magkaroon ng Privately Hosted Evacuation Centers (PHEC) para sa vertical evacuation sakaling magkaroon ng matinding pagbaha, tsunami, o sa aftermath ng lindol.
Kasabay nito, hindi rin tayo nagkulang sa pagsuporta sa ating mga frontliners at responders. Ang pamahalaan ay nag-procure ng mga bagong kagamitan at sasakyan gaya ng high-quality fire truck, Rescue & Disaster Preparedness Vehicles, chainsaw, rescue saw, battery-operated 2-in-1 combination tools (spreader/cutter), Makita misting machine, waste management vehicles, bagong PNP mobile vehicles, at rescue boats na may trailer, outboard motor, paddles, life vest, at hard hat.
Dagdag pa rito, may mga three-wheeler multicab para sa barangay at 33 units ng river taxi o bangka para sa ating maliliit na mangingisda.
Upang mas maging handa sa anumang kalamidad, nakapaloob din dito ang disaster response vehicles: sampung (10) Toyota Tamaraw, walong (8) Motorstar Tricycles, isang (1) 4×4 Rescue Vehicle, isang (1) 4×4 ATV, at isang (1) 4×2 ATV.
Nitong Lunes lamang, itinurnover namin nina Vice Mayor BK ang anim (6) na bagong motorboats para sa mga island barangays at iba pang bahagi ng siyudad, at upang magamit sa ligtas na paghatid ng mga bata at mabilis na pagtugon tuwing may kalamidad.
At higit sa lahat, sa pamamagitan ng ating CSWDO, pinapatunayan natin na walang naiiwan – mga buhay ang nasasalba, pamilyang natutulungan, at pangarap na muling nabibigyan ng pag-asa.
Sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS), 3,614 kababayan ang natulungan. Sila ay mga pamilyang dumaranas ng biglaang sakit, pagkamatay ng mahal sa buhay, o matinding kahirapan.
Sa Sustainable Livelihood Program, umabot sa mahigit ₱5.9 milyon ang nailaan upang bigyan ng puhunan at bagong simula ang mga pamilya. Malaki ang bahagi ng suporta ng ABONO Partylist na nagbigay ng ₱4.6 milyon, at may P1.2M din po tayong nailaan para sa Sustainable Livelihood Program Regular (GAA).
Hindi rin natin kinalimutan ang mga solo parents kung saan 1,158 ang nakatanggap ng cash subsidy na nagkakahalaga ng ₱3.47 milyon.
At para sa ating mga senior citizens, mahigit 5,018 ang nakatanggap ng kanilang social pension, isang maliit na tulong na nagiging malaking ginhawa para sa kanilang pamumuhay.
Sa kabuoan, umabot sa P139,650,229 total cash assistance na ipinamahagi. Alam niyo po, siniguro natin na ang bawat pisong ito ay ibinabalik sa mga Dagupeño sa pamamagitan ng kabuhayan at dignidad.
Nagpapasalamat din po tayo kay Presidente Bongbong Marcos at DSWD Secretary Rex Gatchalian dahil sa agarang tulong sa mahigit 60,000 pamilyang Dagupenos na naging benepisyaryo ng family food packs.
Mga kabaleyan, ito po ang patunay na ating gobyerno ay yumayakap sa mga mahihina, kumakalinga sa mga nag-iisa, at nagbibigay pag-asa sa mga nawawalan.
- “PAMILYA SA EDUKASYON AT KABATAAN” (Learning, Youth, Innovation)
Mga kabaleyan, ang pinakamahalagang pamana na maibibigay natin sa ating mga anak ay edukasyon.
Kaya’t sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Dagupan, inilaan natin ang pinakamalaking pondo para rito, ₱250 milyon para sa Scholarship Program na sumusuporta sa 6,000 college students. Hindi lang ito numero kundi mga pangarap na binibigyan ng pagkakataon.
We are also proud to share, na malaki ang ating naging hakbang para sa edukasyon ng ating mga kabataan. Ipinagmamalaki na po natin na mayroon na tayong 23 school buildings with new tables and chairs, isang konkretong hakbang para tiyakin na bawat batang Dagupeño ay may ligtas, maayos, at makabagong silid-aralan na kanilang tatahakin tungo sa kinabukasan.
Sa katunayan, ang mga 16 school buildings ay kasalukuyang ginagawa at pito (7) naman sa mga ito ay natapos na sa Carael, Malued, Salisay, Lomboy, Dagupan City National High School, West 1, at Lasip Grande.
Kasabay nito, mayroon na tayong pitong (7) completed site development projects at ongoing ang dalawa (2) site development upang maging mas ligtas at maayos ang kapaligiran sa ating mga paaralan.
Hindi lamang silid-aralan ang ating inuna, kundi pati ang pagtatayo ng 3 gymnasium sa Bolosan, Pugaro, at Calmay na magsisilbing sentro ng sports at mga aktibidad ng kabataan at komunidad.
Kasabay nito, binibigyan natin ng espasyo ang kabataan upang maging aktibo at responsable. Nariyan ang Youth Leadership Summit, ang Teen Center para sa mga workshop at talento, at ang TALA Color Run na nagtuturo ng kamalayan laban sa pang-aabuso.
Sa Oplan Bida, 8,543 estudyante mula sa 21 paaralan ang nahubog upang maging mabubuting mamamayan.
Pinalalakas din natin ang pundasyon ng pamilya. Sa loob lamang ng tatlong buwan, 63 magkasintahan ang naikasal sa Kasalang Bayan, at mula Hulyo 2022 hanggang ngayon, umabot na sa 964 couples ang pormal na nabuklod sa ating lungsod.
Malinaw ang ating adhikain: habang pinapanday natin ang talino at talento ng kabataan, sinisiguro rin nating may matatag na pamilya at maayos na paaralan na magiging sandigan ng kanilang kinabukasan.
- “PAMILYA SA KABUHAYAN” (Livelihood, Markets, Economic Growth)
Mga kabaleyan, sa ating unang sandaang araw, pinatunayan natin na ang pamahalaan ay hindi lamang nakatuon sa imprastruktura at kaligtasan, dahil prayoridad din po natin ang kabuhayan ng bawat pamilya.
Mula sa Kadiwa Rolling Stores at Bangus Mobile Center, dinala natin ang abot-kayang bilihin diretso sa ating mga barangay. Ang ating mga kababaihan naman ay patuloy nating sinusuportahan sa pamamagitan ng women microenterprise programs, upang mas maraming nanay ang maging katuwang sa kabuhayan ng kanilang pamilya.
At sa usapin ng trabaho at oportunidad naman, hindi po tayo nagkulang. Dahil sa pamamagitan ng ating Public Employment and Service Office o PESO, libo-libong Dagupeño ang natulungan. Mula Hulyo hanggang Setyembre, mayroong 15, 572 local and overseas jobs ang nailapit natin sa ating mga kabaleyan sa pamamagitan ng tatlong (3) Job Fairs.
Bukod pa riyan, may 500 katao ang benepisyaryo sa ating kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking. Ang lahat ng ito ay patunay: Dagupan is continously opening doors of opportunity.
Sa sektor ng agrikultura, ipinatupad natin ang Sagip Bangus Plus Initiative, na nagbigay ng 335 Aquaculture Lease Agreement (ALA) permits para sa ating mga mangingisda. Isinusulong din natin ang rehabilitasyon ng Korea-Philippines Seafood Processing Complex at ang pagpapakilala ng mga produktong bangus sa mga pambansang exhibits gaya ng Agrilink at Aqualink 2025. Dagupan, mga kabaleyan, ay hindi lang Bangus Capital in name, kundi sa gawa.
Sa ating One Stop Business Center, mayroong 568 na bagong negosyo ang nakarehistro ngayong taon, isang malaking patunay na nagtitiwala ang mga investors (namumuhunan) sa Dagupan. At hindi lang iyon, nakalikom din tayo ng ₱244,205.31 online collection, isang hakbang tungo sa mas moderno at mas transparent na serbisyo.
Mula naman sa ating City Treasury, tumaas ang ating kita mula ₱1.08 bilyon noong 2024 tungo sa ₱1.19 bilyon ngayong 2025, isang ₱118 milyong pag-angat. Mga kabaleyan, ito ay malinaw na pruweba na ang Dagupan ay lumalakas, at bawat pamilyang Dagupeño ay nakikinabang, salungat sa mga ilang politikong nagpapakalat ng fake news.
Ang ating City Budget Office ay naghanda ng annual budget para sa taong 2026 na aabot sa ₱1.838 bilyon, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng ating lungsod. Naghain din tayo ng mga supplemental budgets para sa taong 2025 na nagkakahalaga ng mahigit ₱320 milyon, kasama na ang mga budget para sa 31 barangays.
At ngayon, mga kabaleyan, dahil walang na ang mga sagabal sa Sangguniang Panlungsod. Ako po’y masayang ibahagi na noong October 14, aprubado na ang ating annual budget, and it’s the earliest in history!
May mga nagtaka pa kung bakit ganun kabilis ang approval, simple lamang po ang sagot sa kanila: Dahil wala nang nagmumura, wala na yung “lock the door”, wala nang nanggugulo, mga siga-siga, nanggugulang o mga perwisyo, bagkus diretsong pinag-aralan at inaksyunan agad nina Super Vice Mayor Bryan Kua, at mga New Majority Councilors.
Ito ang larawan ng isang pamahalaang nakikinig, kumikilos, at inuuna ang kapakanan ng tao bago ang pulitika. Sapagkat ang tunay na pamumuno, mga kabaleyan, ay hindi nasusukat sa ingay ng argumento, kundi sa ginhawang nadarama ng bawat pamilya.
- “PAMILYA SA PAMAYANAN” (Community, Culture, Infrastructure)
Mga kabaleyan, mas maliwanag ay mas ligtas. Sa ilalim ng programang BELENERGY (Bagong Enerhiya sa Lungsod) may 412 solar lights ang na-install sa 31 barangay. Ang liwanag na ito ay hindi lang para makita ang daan sa gabi, kundi simbolo ng gobyernong laging nakaalalay, nagbibigay proteksiyon, at nagtitiyak ng kaligtasan sa bawat pamilya.
At may isa pa pong magandang balita para sa kapayapaan at kaayusan sa ating lungsod: na-upgrade na ang PNP Dagupan sa Type C–CPO Status ayon sa resolusyong nilagdaan ni DILG Secretary Juanito Victor C. Remulla kasama ang mga opisyal ng NAPOLCOM.
Ano po ang kahulugan nito? Isa nang POLICE OFFICE at hindi lang basta Police Station ang ating PNP Headquarter dito. Sa madaling salita’y mas mataas na ang antas ng ating kapulisan kumpara sa isang ordinaryong police station. Nangangahulugan din na mas maraming tauhan, mas malaking pondo, at mas malapit na koordinasyon sa Police Regional Office 1.
Ang lahat ng ito ay dagdag-lakas upang mapatatag ang ating operasyon laban sa kriminalidad at mas maging epektibo ang mga programa para sa seguridad.
At nararamdaman na po natin ang bunga nito: malapit na nating maabot ang zero drugs sa lungsod, bumababa ang bilang ng vehicular accidents, nababawasan ang mga kaso ng pagnanakaw, at wala na rin tayong mga insidente ng “bakaw.”
Kaya’t taos-puso po tayong nagpapasalamat kay SILG Remulla at sa NAPOLCOM sa pagbibigay sa atin ng ganitong napakahalagang suporta.
Hindi lang po tahanan ng bawat pamilya ang ating pinapalakas, kundi pati na rin ang mga pasilidad ng pamahalaan. Sa kabuuan, walong bagong government facilities ang ating itinayo upang mas mapabilis at mapalapit ang serbisyo sa bawat Dagupeño.
RESTITUTION OF TAXPAYERS’ MONEY, RETRIBUTION FOR THE CORRUPT
RESTITUTION – RETURNING WHAT WAS LOST
RETRIBUTION – PUNISHMENT FOR THE WRONGDOING
Mga kabaleyan, base po sa masusing pagsusuri ng ating pamahalaan, lumalabas na ang kabuuang lugi o total loss na idinulot ng mga iregularidad ng nakaraang administrasyon mula 2019 to 2022 ay nagkakahalaga ng ₱238,154,732.
Hindi po ito maliit na halaga, kundi halagang katumbas ng mga kalsadang dapat naipagawa, mga eskwelahang dapat naipatayo, at mga pamilyang dapat natulungan sa scholarship program.
Mga kabaleyan, malinaw po: ang kabuuang pinsalang iniwan ng nakaraan ay hindi biro. Kaya’t pinili natin na ituwid ang mali, singilin ang dapat singilin, at higit sa lahat, ibalik sa taumbayan ang dapat na para sa kanila.
Sapagkat ang hustisya ay hindi lamang retribution para sa mga nagkasala, kundi restitution para sa bawat pamilyang Dagupeño.
At dahil pinili natin ang tapat at makataong pamamahala, hindi po nakapagtataka na ang ating lungsod, sa ating administrasyon, ay nakatanggap ng mga karangalan at pagkilalang nagpapatunay na nasa tama ang ating direksyon.
7: “PAMILYA SA PAMAHALAAN”
(Transparency, Awards, Innovation)
Patunay din na ang lahat ng ating pinaghirapan ay kinilala hindi lamang dito sa ating lungsod, kundi sa buong rehiyon at maging sa buong bansa.
Noong Setyembre, iginawad sa Dagupan ang National Gawad Parangal sa mga Kabalikat ng Pangisdaan mula sa DA-BFAR, at ang Regional Gawad Pagkilala sa mga Kabalikat ng Pangisdaan. Ito’y pagpapatunay na ang ating dagat at ilog ay hindi lamang pinagkukunan ng kabuhayan, kundi ingat-yaman na ating pinangangalagaan.
Sa kalusugan, tayo ay kinilala bilang Nangunguna sa Health Care Performance sa buong bansa, isang karangalan na hindi para sa akin, kundi para sa bawat doctor, nurse, at health worker na buong pusong naglilingkod. Dagupan din ang Regional Winner sa Rafael M. Salas Kaunlarang Pantao Award dahil pinapangalagaan natin ang tao, hindi lang ang ekonomiya.
Hindi lamang ito tungkol sa mga serbisyo, kundi pati sa pamamahala. Nakamit ng ating lungsod ang Maturity Level 2 para sa Learning and Development, Recruitment, at Performance Management, patunay na matibay ang ating institusyon. Pinarangalan din ang ating Committee on Anti-Trafficking and VAWC bilang Highly Functional, dahil ang isang lungsod na ligtas para sa kababaihan at kabataan ay lungsod na tunay na maunlad.
Sa kapaligiran, kinilala tayong Best Environmental Partner ng DENR, at sa kultura, muli tayong pinarangalan ng ALIGUAS Award. At nitong Oktubre, kinilala ng DILG ang Dagupan bilang Champion of Good Governance, dahil nakamit natin ang 100% compliance sa Full Disclosure Policy. Mga kabaleyan, ang lahat ng ito ay malinaw na mensahe: GOOD GOVERNANCE IS NOT A PROMISE, IT’S A PRACTICE.
Ngunit higit sa lahat, ang karangalang tunay na bumihag sa akin ay ang pagkilala ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific (UCLG ASPAC), nang ako ay hinirang bilang Mayor of the Month nitong July. Sapagkat ang bawat parangal ay hindi lamang para sa akin, kundi para sa bawat pamilyang Dagupeño na nagsisilbing inspirasyon ng ating pamumuno.
Mga kabaleyan, lahat ng ito ay hindi lamang mga tropeo o sertipiko. Ito ay mga paalala na kapag tapat ang pamamahala at may malasakit ang serbisyo, may bunga na nararamdaman ang bawat pamilya.
At dito ko nais tapusin ang ulat ng ating unang sandaang araw: these are not just 100 stories, these are 100 reasons to believe. Because when we care for every family, the whole city rises together.
Patunay ito na sa sabayang pagkilos at sabayang pag-asa, walang imposibleng marating ang Dagupan.
Sapagkat sa ating lungsod, pamilya ang puso ng progreso, at kayo po ang tibok ng pusong iyan.
Maraming salamat po. Mabuhay ang Dagupan!
https://www.facebook.com/mbtfpage/videos/1228621659041395
https://www.facebook.com/CIOdagupan/posts/pfbid0ZnTbuVmeao9FzKZyQf5RgpTiDNHQPVbK1JoeN4Armbvm25vRWvw8sP2TCdbK1e7Ll