Matatag at malinaw ang paninindigan ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan. ZERO CASUALTY. Sa ilalim ng temang “Buhay ay Ingatan, Paputok ay Iwasan,” opisyal na inilunsad ngayong umaga, December 23, sa City Plaza ang Iwas Paputok at Ligtas Christmas 2025 Campaign, na naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng bawat pamilyang Dagupeño ngayong Kapaskuhan at pagpasok ng Bagong Taon.
Sa halip na mga mapanganib at nakakadisgrasyang paputok, mariing isinusulong ng lungsod ang paggamit ng torotot at iba pang ligtas na alternatibong pampaingay bilang simbolo ng responsableng pagdiriwang. Layunin nitong maiwasan ang anumang uri ng pinsala, aksidente, at trahedya, lalo na sa mga bata at pamilya.
Nagkaisa ang mga lokal na opisyal at kinatawan ng mga national agencies, sa pangunguna ni Mayor Belen T. Fernandez, sa pamamagitan ng pagpirma sa commitment wall, bilang malinaw na paninindigan sa layuning Zero Casualty sa buong lungsod.
“Sa pamamagitan ng paglagda natin sa kasunduang ito, ipinapakita natin na ang adbokasiyang ito ay may malinaw na pananagutan. Ang bawat pirma ay pangako. Pangako na uunahin ang buhay. Pangako na ipatutupad ang disiplina. Pangako na hindi tayo papayag na may masaktan, mawalan, o mapahamak. Hindi ito pakiusap lamang. Ito ay pananagutan,” mariing pahayag ni Mayor Belen.
Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Vice Mayor Dean Bryan “BK” Kua, new majority councilors Michael Fernandez, Atty. Joey Tamayo, Danee Canto, Dra. Jaja Cayabyab, at Bradley Benavides, gayundin sina Dr. Ashok Vasandani, Plt. Col. Orly Pagaduan, Police Lieutenant Colonel Edgar Palaylay, FCINSP Jun Eland Wanawan, Dagupan Panda Fire Station President Mark Alvin Dy, City Health Officer Dra. Julita De Venecia, Nurse Tina Cayabyab, DRRMH Coordinator ng CHO Kevin Carl Ramos, mga barangay captains, SK officials, at iba pang barangay leaders.
Sa huli, muling hinikayat ng alkalde ang mga Dagupeño na makiisa at maging huwaran sa komunidad, dahil ang bawat buhay ay mahalaga at ang ligtas na pagdiriwang ay kolektibong pananagutan ng buong lungsod.



