We are still currently working on the responsive (mobile and tablet) versions of this website. Please access this website using a desktop or a laptop for the meantime. Thank you!

‘Pandaragupan ed Barangay’ dadalhin sa Calmay sa Pebrero 12

DAGUPAN CITY — Sa Barangay Calmay naman dadalhin ng pamahalaang panlungsod ang “Pandaragupan ed Barangay” sa Pebrero 12, 2020.
Ito ang pangatlong barangay na mararating ng programa simula noong ilunsad ito sa Barangay Pugaro noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ang aktibidad, na pangungunahan mismo ni Mayor Brian Lim, ay naglalayong ilapit sa mga mamamayan ang iba’t ibang city government services. Ito’y dadalhin sa lahat ng mga barangay ng lungsod.
Noong nakaraang buwan, ang Pandaragupan ay ginanap sa Barangay Salapingao, kung saan mahigit 1,000 residente ang natulungan ng iba’t ibang tanggapan ng city government.
Magse-set up ang iba’t ibang tanggapan ng city government sa covered court ng Barangay Calmay at bubuksan ang mga ito sa publiko sa ganap na 7:30 ng umaga.
Pormal namang bubuksan ni Mayor Lim ang aktibidad, na inaasahang pakikinabangan ng mga residente ng barangay.
Maliban sa iba’t ibang medical at dental services mula sa City Health Office, magsasagawa rin ng anti-rabies vaccination sa mga aso ang City Veterinarian’s Office.
Magsasagawa rin ng community consultations ang City Population Office para sa mga nanay, at para sa mga kabataan naman, may seminar tungkol sa adolescent health.
Pupulungin naman ng Office of the Senior Citizens Affairs ang mga senior citizens sa barangay para ma-update sila tungkol sa kanilang mga benepisyo at para masagot ang Iba pang katanungan ng mga ito.
Kasama rin sa aktibidad ang City Engineer’s Office upang magbigay ng payo sa mga nagnanais kumuha ng building permits.
Ang City Civil Registry Office naman ay kasama rin para tugunan ang mga problema ng mga residente hinggil sa kanilang birth certificates. Ang City Legal Office ay naroon din para sa mga may problema sa batas.
Makikipagpulong din si Mayor Lim sa mga barangay officials ng Calmay na pinamumunuan ni Punong Barangay Evangelita dela Cruz.
Pagtapos nito, magiging story-teller si Mayor Lim sa mga bata ng barangay na mga beneficiaries din ng feeding program na isasagawa ng City Nutrition Office. (DagupanPIO)