Ipinagdiwang ng lungsod ng Dagupan ang ika-apat na “Lechonan ed Barangay” sa Barangay Lasip Chico noong Mayo 2, kaugnay ng taunang selebrasyon ng kanilang ipinagmamalaking lechon bilang pangunahing produkto ng barangay.
Sa pangunguna ng barangay council sa pamumuno ni Punong Barangay Aldwin Dexter Meneses, katuwang ang SK council ng barangay sa pamumuno ni SK Chairwoman Jenica Venice Ang, matagumpay na naisagawa ang aktibidad kung saan inihaw ang 22 lechon na pinagsaluhan ng mga residente at bisita.
Nakisaya at nagbigay-suporta rin sa programa sina Mayor Belen Fernandez kasama sina Vice Mayor BK Kua, Councilors Michael Fernandez, Atty. Joey Tamayo, Tala Paras, Engr. Karlos Reyna IV, Danee Canto, at Lino Fernandez, SP Secretary Ryan Ravanzo, DCPO City Director Arnold Solomon, at ilang local content creators.
Ayon kay Mayor Belen, kahit nakapunta na siya sa iba’t ibang lugar na naghahanda ng lechon, wala pa ring makakatapat sa lechon ng Lasip Chico na patuloy na binabalik-balikan dahil sa kakaibang sarap, linamnam, at kalidad nito.
Opisyal nang kinilala bilang “Lechon Capital” ng Dagupan City ang Barangay Lasip Chico sa pamamagitan ng City Ordinance 2297-2024, bilang tahanan ng mga pinakamahusay na lechonero sa lungsod.
https://www.facebook.com/100044402290845/videos/989864826815662



