Opisyal nang idineklara ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang Disyembre 26 ng bawat taon bilang “Speaker Jose de Venecia Day,” bilang pagkilala sa legasiya ni dating House Speaker Jose de Venecia Jr. sa lungsod ng Dagupan at sa bansa.
Kasabay nito, inaprubahan din ng konseho ang pagdaraos ng taunang “Speaker Jose de Venecia Leadership and Public Service Commemoration,” na gaganapin tuwing Disyembre 26 upang gunitain ang kanyang buhay, pamumuno, at dedikasyon sa paglilingkod sa publiko.
Ipinanganak si De Venecia noong Disyembre 26, 1936 sa Barangay Pogo Grande, Dagupan City. Nakilala siya bilang pinakamahabang nagsilbing Speaker ng House of Representatives sa kasaysayan ng Pilipinas matapos mahalal sa posisyon nang limang beses sa loob ng kanyang pitong termino sa Kongreso.
Batay sa Ordinance No. 2370-2026, na inakda nina Konsehal Luis Samson at Konsehal Michael Fernandez, ang araw na ito ay ituturing na special working day of commemoration, maliban kung ideklara itong special non working holiday ng pambansang pamahalaan.
Pinahihintulutan din ang pamahalaang lungsod, mga barangay, paaralan, at civic organizations na magsagawa ng mga angkop na programa upang magbigay pugay sa kanyang mga kontribusyon sa bayan.
Sa hiwalay na Draft Ordinance No. 0 020, itinakda rin ang taunang Speaker Jose de Venecia Leadership and Public Service Commemoration, na magtatampok ng mga programang naglalayong ipakita ang kanyang halimbawa ng pamumuno at integridad, at magsilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga Dagupeno.



