Nasa 1,137 na aplikante mula sa iba’t ibang lugar ang dumalo sa Bangus Festival Mega Job Fair handog ng Department of Migrant Workers (DMW) sa CSI Big Atrium na ginanap kahapon, Martes, Abril 14.
Ang programa ay naisakatuparan dahil sa pakikipag-ugnayan ng DMW at Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ni Mayor Belen T. Fernandez, at sa tulong ng Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni PESO Manager Joy Siapno na layuning makapagbigay ng oportunidad sa lokal at overseas employment.
Katuwang rin ang iba pang mga ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Human Settlements and Urban Development, Pag-IBIG, PhilHealth, at Overseas Workers Welfare Administration na nagbigay ng kanilang suporta at tumulong para sa iba pang serbisyo na kinakailangan.
Ibinahagi ng alkalde ang kanyang buong suporta sa kanyang pagdalo sa aktibidad, at binigyang-diin nito ang dedikasyon ng lungsod na makapagbigay ng pantay-pantay at kwalidad na oportunidad para sa lahat.
“Kapag mas marami ang may trabaho, mas maraming pamilya ang umaangat,” ani Mayor Belen.
Dumalo sa aktibidad na ito sina DMW Assistant Secretary Jerome Alcantara; DMW Regional Directors Dr. Christian Rey Sison and Atty. Rogelio Benitez; DOLE Central Pangasinan Field Office Head/Senior Labor and Employment Officer Rhodora Dingle; at Universidad de Dagupan President Dr. Feliza Arzadon-Sua.
Bahagi ng Bangus Festival ang ginanap na job fair na ipinagdiriwang ng siyudad ngayong kabuwanan ng Abril.



