We are still currently working on the responsive (mobile and tablet) versions of this website. Please access this website using a desktop or a laptop for the meantime. Thank you!

5 truck na lamang ang papayagang magdiskarga sa Magsaysay market

DAGUPAN CITY — Limang truck lamang ang papayagang sabay-sabay na magkarga o magdiskarga ng mga isda sa Magsaysay Fish Market.
Ito ang itinakda ng Executive Order No. 5, series of 2020 na pinirmahan ni Mayor Brian Lim noong Lunes, Enero 27.
Layon ng kautusan na magpatupad ng mga hakbang para sa mga cargo trucks na may dalang mga isda, matapos ma-obserbahang kung saan-saan na lamang pumaparada ang mga ito noong mga nakaraang araw na nagdulot ng problema sa sanitation at sa daloy ng trapiko.
Itinalaga ni Mayor Lim ang isang public parking space sa harap ng NBI compound sa Babaliwan bilang holding area para sa mga cargo trucks na naghihintay makapasok sa Magsaysay Fish Market.
Habang nasa holding area, bawal nagdiskarga o magbenta ang mga truck, lalo na ang mga may dalang buhay na isda sa mga aerated tanks.
Ang mga delivery trucks naman na may kargang yelo, frozen fish products at Iba pang fish products na nasa selyadong ice boxes ay hindi na pahihintulutang pumasok sa Magsaysay Fish Market.
Subali’t mula ika-10 ng gabi hanggang ika-3 ng madaling araw, maaring pumarada ang mga ito sa Judge Jose de Venecia Sr. Blvd. mula sa barangay hall ng Barangay 1 hanggang sa may Intramuros at sa public space sa harap ng CSI Square.
Pinapayagan ding pumarada ang mga ice delivery trucks sa Zamora St. sa tabi ng plaza kapag walang isinasagawang event sa plaza.
Binigyang-diin ni Mayor Lim na ang mga nabanggit na lugar ay para lamang sa parking at ano mang uri ng pagtitinda ay ituturing na paglabag sa City Ordinance No. 1860-2006 o ang Dagupan Market Code of 2006.
Pinaalalahanan din ni Mayor Lim ang mga cargo truck operators at mga negosyante na hindi sila maaaring magtapon ng waste water at iba pang uri ng basura sa mga lugar kung saan sila nakaparada.
Dagdag dito, dapat din nilang sundin ang City Health and Sanitation Code hinggil sa paggamit ng palikuran, pagdadala ng sariling basurahan at ang pagpapanatili ng kalinisan ng lugar.
Upang ipatupad ang kautusan, bumuo ng isang task force si Mayor Lim na kinabibilangan nina market supervisor Aguedo Sta. Maria bilang head, at nina POSO chief Rob Erfe-Mejia, anti-hawking chief Michael Hernando, city health officer Dr. Aurora Cuison at waste management chief Bernard Cabison bilang mga miyembro. (DagupanPIO)